Dating Pangulong Aquino, Butch Abad at Janette Garin, kinasuhan ng paglabag election law dahil sa Dengvaxia

Inquirer File Photo | Grig Montegrande

Sinampahan si dating Pangulong Benigno Aquino III at ilan pang dating opisyal ng gobyerno ng reklamong paglabag sa omnibus election code sa Comelec kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia.

Sa siyam na pahinang joint complaint-affidavit, sinabi ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC at ni Dr. Francis Cruz na inilabas ang P3.5 billion na pondo ng bayan para ipambili ng Dengvaxia 45 araw bago ang May 2016 national elections.

Nakasaad sa reklamo na ito ay paglabag sa section 261 ng omnibus election code.

Bukod kay Aquino, kasama sa asunto sina dating Budget Secretary Butch Abad, dating Health Secretary Janette Garin at labinganim na iba pang opisyal ng Department of Health.

Base sa complaint, may go signal nina Aquino, Abad at Garin ang paglabas ng pondo para sa implementasyon ng dengue vaccine sa mga eskwelahan gamit ang Dengvaxia.

Ayon pa sa mga nagreklamo, ginamit ang malaking pondo para sa kampanya sa eleksyon o anumang partisan political activity dahil si Aquino mismo, na lider ng Liberal Party, kasama ang ilang DOH officials ang kasama sa pagpapasinaya ng dengue immunization program ng ahensya para isulong umano ang kandidatura ng kanilang kapartido.

Binanggit pa sa reklamo ang imbestigasyon ng senate blue ribbon committee kasama ang mga committees on health and demograpgy and finance sa Dengvaxia.

Hiniling ng VACC at ni Dr. Cruz na suriin ang kanilang reklamo at magsampa ng kaukulang kaso sa korte laban sa respondents at magsagawa ng preliminary investigation.

 

 

 

 

 

 

Read more...