“Adopt a Municipality” program ipinatutupad na sa mga bayan apektado ng pag-aalburuto ng Mayon

Upang mas mabilis na mabigyan ng ayuda ang mga bayan na apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon, ipinatutupad na ang Adopt-a-Municipality Program.

Si Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino ang nagpasimula ng programa dalawang araw matapos siyang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tagapangasiwa ng pagbibigay alalay sa mga apektadong Albayanons.

Sinabi ni Tolentino na ang naturang programa ay subok na at isa ito sa naging daan para sa mabilis na pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda at Bohol earthquake.

Pinuntahan ni Tolentino ang Baligang Elementary School para alamin ang kalagayan ng mga evacuees partikular ang kanilang kalusugan.

Aniya ang mga napaulat na nagkaroon ng pulmonary infection ay nag-ugat marahil sa isang may sakit at nakahawa lang sa mga evacuation center.

Ibinahagi din nito ang ginagawa ng mga ahensiya ng gobyerno para maibsan ang hirap ng mga evacuees, lalo na ang pag-aaral ng mga bata.

Ibinalita rin ni Tolentino na higit sa P100 milyon na ang tulong pinansiyal na nakalaan para sa mga apektadong lugar.

Sinabi pa nito na base sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na simplehan na lang ang pagkilos, nagtalaga ng ilang kagawaran para pangasiwaan ang mga ibinibigay na tulong sa mga apektadong bayan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...