Hindi bababa sa 950 minero ang na-trap sa ilalim ng lupa matapos na makaranas ng malawakang black-out ang kanilang minahan na pinagtatrabahuhan sa South Africa.
Ayon sa tagapagsalita ng Sibanye-Stillwater mining company, may-ari ng Beatrix Gold Mine sa bayan ng Welkom, nakaranas ng power outage ang naturang minahan kaya’t hindi gumana ang mga elevator nito.
Posible aniyang naapektuhan ng nagdaang bagyo ang mga linya ng kuryente kung kaya’t biglang naputol ang suplay ng elektrisidad sa minahan na nagpapatakbo sa mga elevator.
Dahil sa biglaang pagkawala ng kuryente, hindi magawang makalabas ng minahan ng mga minero na nagtatrabaho sa night shift duty.
Agad namang nagpadala ng mga rescue teams ang kumpanya upang mailabas ang lahat ng daan-daang minero na-trap sa may higit isang kilometrong lalim na gold mine.
Nagpadala na rin ng karagdagang pagkain ang tubig ang rescue teams na magagamit ng mga minero habang naghihintay ng rescue.
Sinisikap na rin na paandarin ng mga rescue teams ang lahat ng mga generators upang muling mapaandar ang mga elevator sa gold mine.
Ayon pa rin sa tagapagsalita ng mining company, wala namang indikasyon na nasa panganib ang buhay ng 950 minero habang nasa ilalim ng lupa.
Gayunman, ayon sa Association of Mineworkers and Construction Union, nahaharap sa major health at safety risk ang mga minero dahil sa dami ng taong kinakailangang i-rescue ng sabay-sabay sa ilalim ng lupa.