Ayon kay Chief Supt. Graciano Mijares na police director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), isang grupo ng pitong pulis mula sa Lantawan police ang pabalik na sana sa kanilang himpilan sakay ng kanilang patrol vehicle.
Nanggaling sa isang barangay anti-crime meeting ang mga nasabing pulis.
Ngunit pagdating nila sa Barangay Bulan-Bulan, sinalubong sila ng mga putok ng baril pasado alas-dos ng hapon ng Huwebes.
Nagawa namang makaganti ng mga pulis, at makatakas mula sa pananambang.
Nangyari ang insidente isang araw lang matapos patayin sa ambush ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf ang dalawa kataong nagtatrabaho sa isang proyekto ng gobyerno sa Lamitan City.
Ayon kay Engineer Soler Undug ng DPWH-Basilan, bago pa man mangyari ang pag-atake ay nakatatanggap na ng mga banta ang mga trabahador ng road projects.
Nabatid ng mga pulis na sinusubukan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf na mangikil ng pera mula sa mga proyektong isinasagawa ng gobyerno.