Kinakitaan ng iregularidad ng Makabayan bloc sa kamara ang pag-aresto sa consultant ng National Democratic Front of the Philippines na si Rafael Baylosis.
Ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, ang pagkakadakip kay Baylosis ay paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG sa pagitan ng gobyerno at NDFP noong 1995.
Ang pag-aresto aniya kay Baylosis ay harassment laban sa mga NDFP consultants upang pahinain ang kanilang posisyon sa mga pag-uusap sa gobyerno, partikular sa paglalagda ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms na pending sa ngayon sa peace table.
Sumpa rin aniya para sa pagnanais sa isang mapayapang bansa at nagpapakita lamang ng kawalan ng sinseridad ng Duterte administration sa layunin na maresolba ang ugat ng limang-dekadang armed conflict.
Para naman kay Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago, bahagi ng “grand crackdown” at all-out war kontra taumbayan ang pagkakadakip kay Baylosis.
Sinabi naman ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ang naging hakbang ng gobyerno ay paglabag din sa Comprehensive Agreement on Respect for Humanitarian Law.