Ayon kay Robredo, nakapagtatakang mayroon nang ebidensyang balota na hawak ang kampo ni Marcos, gayong nasa Camarines Sur pa ang mga balota at hindi pa nadadala sa Maynila para sa recount.
Nababahala naman ang kampo ng bise presidente na baka mayroong plano para rebisahin o baguhin ang kasaysayan.
Marami aniyang mga propaganda na wala namang katotohanan at umaasa silang malampasan na nila ito upang hindi na kumalat pa ang mga kasinungalingan.
Matatandaang noong Lunes ay naglabas ang kampo ni Marcos ng ilang larawan ng mga balota mula sa Camarines Sur kung saan square boxes ang nakalagay sa pangalan ni Robredo sa halip na oval na dapat lagyan ng shade ng mga botante.
Sinasabing ang mga kahon sa tabi ng pangalan ni Robredo ay sinadya upang mapunta sa kaniya ang bilang ng boto.
Dahil dito, nanawagan sa Commission on Elections at Supreme Court na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal, na imbestigahan si Marcos dahil sa pagkakakuha nito ng mga diumano’y larawan ng mga balota.