Siniguro ng Office of the Civil Defense na walang tatanggaping sahod si dating Customs Commissioner at ngayon ay Deputy Administrator ng Office of Civil Defense Nicanor Faeldon habang nakakulong.
Ayon kay Defense Secretary and National Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman Delfin Lorenzana nangangahulugan ng pagkakakulong ni Faeldon sa Pasay City Jail na hindi nito magagampanan ang kanyang trabaho.
Dahil dito, wala anyang tatanggaping suweldo si Faeldon habang nakakulong dahil hindi naman ito makakapagtrabaho sa piitan base pinaiiral na ‘no work, no pay”.
Umaasa naman si Lorenzana na kaagad ding makakalaya si Faeldon upang magampanan ang kanyang tungkulin.
Si Faeldon na may ranggong assistant secretary na may ‘salary grade’ 29 ay may buwanang sahod na P128, 000.
Kahapon ipinakulong ng Senado si Faeldon sa Pasay City Jail matapos ma-cite in contempt kaugnay sa pagdinig may kinalaman sa P6.4B shabu na pinalusot sa Bureau of Customs noong siya pa ang commissioner.
Nauna rito, nakakulong na ang opisyal sa Senado simula Setyembre ng nakalipas na taon dahil sa kabiguang dumalo sa pagdinig.