Sec. de Lima, pasok na sa senatorial lineup ng LP

Leila-de-LimaKinumpirma na ni Justice Secretary Leila De Lima na kabilang siya sa senatorial lineup ng Liberal Party sa 2016 elections.
Ayon kay De Lima, sinabihan na siya ni LP standard bearer Mar Roxas na kasama siya sa senatorial slate nito.

Hinihintay na lamang ni De Lima ang opisyal na anunsyo ng partido na malapit nang maganap.

Nagbigay naman na ang kalihim ng mga pangalan na kaniyang inirekomendang maaaring humalili sa kaniyang posisyon sa Department of Justice.

Magugunitang nag-paalam na rin si De Lima sa kaniyang mga kasamahan noong siya’y nag-talumpati sa 118th founding anniversary ng DOJ noong Huwebes.

Kung si De Lima ay may kumpirmasyon na, tumanggi naman magkomento si Energy Sec. Carlos Jericho Petilla sa pagiging kabilang niya sa senatorial slate ng Liberal Party para sa 2016 elections.

Ani Petilla, mayroon nang 16 na pangalang napili ang LP at 5 backup na isinumite na kay Pangulong Aquino, pero hindi pa rin pinal ang listahan.
Aniya, ayaw niyang pangunahan ang desisyon ng partido ukol dito.

Tumanggi rin si Petilla na sabihin kung sinu-sino na ang mga nasa listahan dahil hindi naman siya kabilang sa selection committee.
Hindi tulad ng ibang partido, ani Petilla, hitik ang mga pinagpipilian ng LP para sa kanilang senatorial slate.

Bagaman nauna nang nagpahiwatig ang kalihim ng pagnanais na makasama sa LP senatorial slate, iginiit naman niya na sakaling hindi man siya makasama sa listahan, hindi naman ito magiging problema sa kaniya.

Read more...