Iginiit ni LBC Express president at chief operating officer Miguel Angel A. Camahort na bayad na ang mga buwis ng kanilang mga sangay sa Southern Metro Manila, at nilinaw na isolated incident lamang ang nangyari.
Nakatanggap aniya ang LBC SMM ng five-day VAT compliance notice mula sa BIR na may petsang August 5, na sinagot naman nila ito noong August 27 nang may kasamang mga kaukulang dokumento na naglilinaw na nagbabayad sila ng kanilang mga Value Added Tax (VAT).
Aniya, simula nang inihain nila ang kanilang sagot sa BIR, hindi na sila muling nakatanggap ng kahit anong notice mula sa ahensya patungkol sa nasabing problema.
Kaya naman ikinagulat ng kanilang kumpanya nang lumabasa ang desisyon ng BIR na ipasara ang kanilang mga sangay sa Southern Metro Manila dahil nag-sumite naman sila ng mga dokumentong nagpapatunay na nagbabayad sila ng buwis.
Tiniyak ni Camahort na iniaayos na nila ang sitwasyon at mananatili namang bukas ang serbisyo ng iba pa nilang mga sangay sa buong bansa.
Matatandaang ipinasara ng BIR ang ilang mga sangay ng LBC Express dahil sa hindi umanong nabayarang buwis sa loob ng 3 taon na nagkakahalaga na ng P145.7 milyon.