Website ng Natl Historical Commission, 2 beses sinabotahe ng mga hackers

nhcp sited hacked with music 800x600

(updated 9:49AM) Kasabay ng pagdiriwang ng 117th na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, pinasok ng mga Pinoy hackers ang website ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Sa halip na mga history at aktibidad para sa pagdiriwang ng araw ng kasarinlan, itim na screen at naglalaman ng mensahe para kay Pangulong Aquino ang makikita sa nhcp.gov.ph.

Nagpakilala ang mga hackers bilang “Pinoy Vendetta”, “Global Security Hackers”, at “All Pinoy Hackers”.

Sa kanilang mensahe, nanawagan ang mga grupo kay Pangulong Aquino na ilahad ang tunay na nangyayari sa bansa, papanagutin ang mga corrupt, at panindigan ang soberenya ng Pilipinas sa pag-aari nitong isla.

“Panindigan ang pagiging soberenya ng Pilipinas sa kaniyang mga Isla. Maawa naman kayo sa mga Pilipino na patuloy na naghihirap. Sumumpa kayo na gagawin ninyo ang tama at nararapat, tuparin ang mga ito,” nakasaad sa mensahe.

Bago mag 6:00 ng umaga ay naibalik na sa ayos ang website.

Gayunman, 9:35 ng umaga ay muli itong pinasok ng hackers. Mga nagpakilalang “Anonymous Rizal”, Magdalo Cyber Army” at “Ghost Security Hackers” naman ang sunod na umatake sa website.

Sa kanilang mensahe, humihingi ng sagot ang grupo mula kay Pangulong Aquino sa napakarami umanong katanungan gaya ng ano na ang nagawa niya sa bansa, gumanda ba ang ekonomiya at nasaan na ang hustisya para sa SAF 44.

Sa nasabing website nakalagay ang listahan ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Makikita din sa NHCP website ang mga history kaugnay sa ginugunitang independence day./Dona Dominguez – Cargullo

Read more...