Pinapurihan ng U.S Embassy dito sa bansa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa pagkakasabat sa anim na kilo ng crystal methamphetamine na nagresulta rin sa pagkaka-aresto ng dalawang drug trafficker.
Noong January 24 ng taong kasalukuyan ay ipinaalam ng Homeland Security Investigations (HIS) sa PDEA at Bureau of Customs ang ulat kaugnay sa nakatakdang pagpasok sa bansa ng ilang kahina-hinalang parcels mula sa U.S.
Makaraang matunton ang shipper at locator information ay kaagad na nagsagawa ng operasyon ang PDEA na nagresulta sa pagkakasabat ng anim na kilo ng pinaniniwalaang shabu na may street value na umaabot sa P34 Million.
Sa Pamamagitan ng isang controlled delivery noong January 25 ay naaresto ang mga hindi pa pinapangalanang mga suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Drugs Act of 2002.
Sa hiwalay na pahayag ay sinabi ng Homeland Security Investigation na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan kaugnay sa kampanya ng U.S at Pilipinas kontra sa iligal na droga.