Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque sinabi nitong maging ang mga bakuna na matagal nang subok na nakatutulong sa mga bata ay tinatanggihan na ng ibang magulang.
“Pati yung ating ibang bakuna yung mga innocent vaccine, nadamay na. May mga magulang na ayaw nang ipabakuna ang mga anak nila,” ani Duque.
Dahil dito, umapela si Duque sa mga magulang na huwag katakutan ang ibang bakuna na mahabang panahon nang ginagamit at napatunayang epektibo sa pagbibigay proteksyon.
Kabilang dito ang bakuna na ibinibigay sa measles, rubella, pneumococcal, hepatitis at marami pang iba.
Sinabi ni Duque na nakamamatay ang nasabing mga sakit kaya mahalagang mabakunahan ang mga bata laban dito.
“Ang mga ito ay nakamamatay ng sakit, kaya magpabakuna po kayo at huwag sanang mawalan ng tiwala dahil lang sa isang negatibong kaganapan,” dagdag pa ni Duque.
Sa ilang lalawigan, iniulat ng Department of Education (DepEd) na may mga magulang ang natatakot na painumin ng deworming pills ang kanilang mga anak dahil sa takot na magaya sa mga nabakunahan ng Dengvaxia.