Sa unang araw ng pagbabalik ng Oplan Tokhang, 43 drug personalities ang napasuko

Inquirer Photo | Marianne Bermudez

Naging maayos sa pangkalahatan ang pagbabalik ng Oplan Tokhang sa buong Metro Manila.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Oscar Albayalde, walang napaulat na nanlaban, nasaktan o nasawi sa isinagawang operasyon kahapon, araw ng Lunes.

Sa kabuuang 147 na mga kinatok na nasa listahan ng drug personalities, 43 ang kusang sumama at sumuko sa mga pulis, habang tatlo namang ang tumangging sumuko, at ang iba pa ay wala na sa kani-kanilang mga tahanan.

“Naging maayos po sa buong Metro Manila, walang reported na nasaktan o namatay. Total of 147 drug listed ang nakatok at napuntahan natin, 43 ang sumamang kusa, 3 ang hindi nag-surrender, ang iba naman ay wala na sa kanilang tahanan,” ayon kay Albayalde.

Sinabi ni Albayalde na ang 43 ay sasailalim muna sa evaluation ng local government units para malaman kung anong programa ang maaring ialok sa kanila.

Ang iba naman kasi na hindi sobrang lulong sa ilegal na droga ay hindi naman agad kailangang sumailalim sa rehabilitasyon. May iba aniyang programa na pwedeng ialok sa kanila ang LGUs gaya ng livelihood o training sa TESDA.

Kwento ni Albayalde, sa umpisa, ilan sa mga nakatok ay nangamba makaraang makita ang mga pulis sa harapan ng kanilang bahay pero matapos makausap at mapaliwanagan ay naibsan naman ang kanilang takot.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...