‘Super blue blood moon,’ bahagyang magpapataas ng sea level – PAGASA

 

Dahil sa sabay-sabay na “supermoon, “blue moon” at total lunar eclipse, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magdudulot ito ng bahagyang pagtaas sa lebel ng tubig sa karagatan bukas.

Ayon kay PAGASA Space Science and Astronomy Section chief Dario dela Cruz, inaasahang magbibigay ito ng karagdagang dalawang pulgada sa sea level.

Ito’y bunsod ng mas malakas na gravitational pull tuwing mas malapit ang buwan sa Earth, na nararanasan tuwing supermoon.

Ang supermoon ay ang phenomenon na nangyayari kapag sumasabay ang full moon sa paglapit nito sa Earth.

Samantala bukod sa supermoon, mararanasan din ang “blue moon” bukas, na nangyayari lamang tuwing dalawang full moon ang nasasaksihan sa loob ng isang buwan, tulad ngayong Enero.

Nangyayari lamang ito tuwing dalawa hanggang tatlong taon, kaya dito nag-ugat ang kasabihang “once in a blue moon” na tumutukoy sa pangyayaring minsan lang nagaganap.

Samantala, sasabay rin bukas ang isang total lunar eclipse kung saan namumula ang buwan dahil sa sinag ng araw na tumatama sa atmosphere ng Earth, kaya tinatawad din itong “blood moon.”

Para sa mga taga-Albay, mas mapula ang buwan na kanilang makikita dahil sa mga dust particles na ibinubuga ng Bulkang Mayon.

Pinabulaanan naman ng PAGASA ang mga pamahiin na nagdudulot umano ng disaster ang ganitong klase ng phenomenon.

Maaring masaksihan ang kakaibang pangyayari na ito sa PAGASA Astronomical Observatory sa University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City, kung saan maaring libreng makagamit ng telescope ang mga nais manood.

Read more...