Nagbigay na ng P20 Million na paunang ayuda si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga residenteng apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Sa pagbisita kaninang hapon ng pangulo sa Albay Provincial Capitol ay personal niyang iniaabot ang tseke kay Albay Governor Al Francis Bichara.
Bukod sa P20 Million paunang tulong ay nagbigay din ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng P5 Million na ayuda at personal itong iniabot ni PCSO Board Member Sandra Cam kay Bichara.
Ayon sa pangulo, may P50 Million pa na karagdagang pondo siyang ibibigay para sa mga apektado ng bulkang Mayon bukas.
Pinabibigyang prayoridad ng pangulo ang pagkain, sanitation at hygiene para masigurong hindi magkakasakit ang mga bakwit na nanantili sa mga evacuation centers.