Justice Reyes: “Dapat pangalagaan ang kredibilidad ng Court of Appeals” ayon sa CJ

Photo: Erwin Aguilon

Pinabulaanan ni Supreme Court Associate Justice Andres Reyes ang naunang pahayag ni Court of Appeals Associate Justice Remedios Salazar-Fernando na sinabi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno siya na ang bahala sa ihahaing TRO ng tatlong CA justices.

Sa kanyang testimonya sa House Committee on Justice sinabi ni Reyes na ipinatawag siya ni CJ Sereno sa kanyang tanggapan makapananghali ng June 21 ng nakalipas na taon.

Sinabihan anya siya ni Sereno na kailangan nilang pangalagaan ang Court of appeals sa kabila ng sigalot sa pagitan ng Kamara at CA kaugnay sa isyu ng tinaguriang “Ilocos 6”.

Pinayuhan din anya siya ni Sereno na sabihan ang tatlong mahistrado na naglabas ng kautusan may kaugnay sa Ilocos 6 na kung nais ng mga ito ay maghain ng Petition for Prohibition sa Supreme Court at ang korte na ang bahala rito.

Bukod dito, ipinabasa anya sa kanya ni Sereno ang kanyang inihandang pahayag ukol sa iringan ng dalawang sangay ng pamahalaan at matapos mabasa at lagdaan ni Sereno, ayon kay reyes nilagdaan din niya ito.

Pagbalik anya niya sa CA ipinamahagi niya sa mga miyembro nito ang statement at ipinarating din ang kanilang napag usapan ng punong mahistrado.

Nauna rito, sa nakalipas na pagdinig ayon kay Justice Salazar-Fernando na sinabihan sila ni Reyes na pinaghahain ng TRO ni Sereno ang tatlong CA justices at ang punong hukom na ang bahala.

Read more...