Patung-patong na kasong kriminal ang ihahain ng Department of Justice o DOJ laban sa tatlong pulis-Caloocan na sangkot sa pagpatay sa 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos noong August 16, 2017.
Si Delos Santos ay matatandaang napatay ng mga pulis sa anti-illegal drugs operation na bahagi ng “one time big time” o Oplan Galugad na ikinasa ng mga operatiba ng Caloocan Police Community Precinct 7 kamakailan.
Sa 43-pahinang resolusyon na aprubado ni acting Prosecutor General Jorge Catalan, kasama sa mga pinasasampahan ng murder na paglabag sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code; planting of dangerous drugs na paglabag sa ilalim ng Section 29 ng Republic Act No. 9165 at planting of firearm na paglabag sa Section 38 ng Republic Act No. 10591 ay sina: PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz.
Kabilang pa sa pinasasampahan ng murder, planting of dangerous drugs at planting of firearm ang asset ng mga pulis na si Renato Perez Loveras alyas ‘Nono’ o ‘Nonong.’
Sina Pereda at Cruz ay nahaharap naman sa karagdagang kaso na violation of domicile na paglabag sa ilalim ng Article 128 ng Revised Penal Code.
Ibinasura naman ang reklamong torture laban sa apat na respondent.
Hindi rin kinakitaan ng DOJ ng probable cause ang reklamo laban sa 13 pulis na kasama sa mga inireklamo ng mga magulang ni Delos Santos at ng National Bureau of Investigation (NBI).