Cayetano, pinagsosorry ang HRW sa “unfair” na ulat ukol sa drug war

By Rhommel Balasbas January 27, 2018 - 05:40 AM

Binanatan ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang international group na Human Rights Watch (HRW) sa umano’y pamumulitika nito sa giyera kontra droga ng bansa.

Humihingi ng public apology si Cayetano mula sa naturang grupo dahil sa hindi umano patas na ulat nito para lamang maisakatuparan ang kanilang layunin.

Noong nakaraang Linggo, sinabi ng HRW sa kanilang 2018 World Report na kasalukuyang nakararanas ang Pilipinas ng pinakamalalang krisis sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Nitong Lunes naman ay sinabi ng grupo na higit sa 12,000 na ang namamatay sa ilalim ng giyera kontra droga ng bansa.

Ayon kay Cayetano, dapat na mag-sorry ang HRW sa Pilipinas at sa international community dahil sa pagmamanipula nito sa tunay na bilang ng mga naapektuhan ng drug war at pinagmumukhang basta-basta na lang pumapatay ng tao ang bansa.

Ipinagtataka ng kalihim kung paanong nabuo ng HRW ang naturang bilang yamang wala naman silang isinagawang tunay na imbestigasyon ukol dito.

Iginiit ni Cayetano na maaaring hindi ikinonsidera ng watchdog ang bilang ng mga nasadlak sa kasong homicide at murder.

Samantala, ipinagmalaki naman ni Cayetano na mas nakararaming Filipino na ngayon ang nagsabing mas nararamadaman na nilang sila ay ligtas dahil sa giyera kontra droga.

Ipinagmalaki niya ang Pulse Asia Survey na nagsasabing 88 porsyento ng mga Filipino ang sumusuporta sa drug war habang 77 porsyento naman ayon sa SWS ang satisfied dito.

Nagtala rin anya ng 8.44 porsyento ng pagbaba sa crime volume mula January hanggang October 2016.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.