Asec. Uson sa ilang ‘Thomasian’ na nagpalaki ng isyu sa kanyang award: “OA”
Tinawag ni Presidential Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson na “OA” o “overacting” ang ilan sa mga taga-University of Santo Tomas (UST) dahil sa aniya’y pagpapalaki sa isyu kaugnay ng kontrobersyal na award na ibinigay sa kaniya ng University of Santo Tomas Alumni Association Inc. (USTAAI).
Ayon kay Uson, humahanga siya sa USTAAI dahil sa kabila aniya ng pambu-bully ng ilang mga Thomasians sa kanilang organisasyon ay ipinagpatuloy nila ang paninindigan.
Ilang oras bago ito sabihin ni Uson, naglabas ng pahayag si Henry Tenedero na siya ay nagbibitiw na sa pwesto bilang presidente ng USTAAI.
Ayon kay Uson, lingid sa kaalaman ng lahat ay nakapag-usap sila ni Tenedero bago pa man niya i-anunsyo ang pagbibitiw sa pwesto.
Sinabi ng kalihim na ipinaalam niya kay Tenedero na isasauli na niya ang kontrobersyal na Thomasian Alumni Award for Government Service na iginawad sa kaniya ng organisasyon.
Ani Uson, nilinaw naman sa kaniya ni Tenedero na wala naman silang balak na bawiin ang parangal mula sa kaniya.
Aniya pa, hindi lang niya ito isinapubliko dahil sobrang “OA” na ng ilang mga Thomasians na nagpapalaki pa ng isyung ito gayong mas marami pang mahahalagang bagay ang dapat pinag-uusapan kaysa dito.
Panawagan niya pa sa mga “OA” na Thomasians, tama na ang drama at talakayin na lang ang mas mahahalagang usapin tulad ng pagtulong sa mga naturukan ng Dengvaxia at papanagutin ang mga may sala dito.
“Hindi ko lamang ito isinapubliko dahil sobrang nao-OA na ako sa ilang Thomasians sa pagpapalaki ng issue na ito. Marami pa pong mas mahahalagang bagay ang dapat pinag-uusapan kesa dito. TAMA NA ANG DRAMA at pag-usapan na natin ang mahahalagang bagay tulad ng pagtulong sa mga naturukan ng DENGVAXIA at panagutin ang mga may sala dito.” Pahayag ni Uson sa kanyang blog.
Dagdag pa ni Uson, mag-move on na ang lahat upang makatulong na sa ating mga kababayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.