3 menor de edad arestado sa pagnanakaw sa Tondo, Maynila
Agad na natimbog ng mga elemento ng Manila Police District (MPD) Station 7 ang tatlong kabataang lalaki matapos hablutin ang cellphone ng dalawang biktima sa Tayuman Street sa Tondo, Maynila.
Dahil pare-parehong menor de edad ay hindi na pinangalanan pa ang mga suspek na bukod sa mga ninakaw na cellphone ay nakuhanan din ng isang sachet ng marijuana.
Umamin naman ang mga suspek sa ginawang krimen. Ngunit ayon sa tumatayong pinuno ng grupo, isang JM ang namimilit sa kanila na mag-snatch. Tinatakot umano sila ni JM na bubugbugin kapag hindi nagnakaw.
Kada mananakaw na cellphone ay binabayaran sila ng ₱500.
Ayon naman sa dalawang biktima ng mga kabataan, natuto na sila mula sa nangyari at hindi na gagamit ng cellphone habang nasa hindi ligtas na lugar.
Nagpaalala naman si Police Community Precinct (PCP) Commander Police Senior Inspector Ness Vargas sa publiko na mag-ingat sa paggamit ng cellphone sa mga pampublikong lugar.
Dahil pawang mga menor de edad ay ibibigay muna sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga suspek.
Ngunit ayon sa mga otoridad, posible pa ring maharap ang mga ito sa kasong robbery at drug possession dahil dalawa sa mga suspek ay mag-didise otso na sa Pebrero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.