Pagpapatupad ng Fire Code, ipauubaya na ng PEZA sa BFP
Pormal nang pumayag ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na ipaubaya na sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagpapatupad ng Fire Code.
Ginawa ito ng PEZA isang araw matapos ang sunog na tumupok sa dalawang gusali sa Cavite Economic Zone, sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang BFP.
Bago ito ay nanindigan ang PEZA sa sariling pagpapatupad ng Fire Code sa kanilang mga economic zones dahil giit nila, kaya naman ito ng kanilang ahensya.
Matatandaang noong Biyernes ng gabi ay nasunog ang dalawang pasilidad ng House Technologies Inc. (HTI) sa economic zone sa Cavite.
Ang nasabing kumpanya ay nasunugan rin ng factory noong Pebrero ng nakaraang taon kung saan mahigit 100 ang naitalang nasugatan.
Nakasaad sa nasabing MOA na ang BFP na ang magiging responsable sa pagpapatupad ng Fire Code sa lahat ng mga PEZA-registered enterprises.
Dahil dito, maglalabas na ang BFP ng Fire Safety Evaluation Clearance (FSEC), Fire Safety Inspection Clearance (FSIC) at iba pang mga kaugnay na clearances sa loob ng isang linggo para sa mga kumpanyang rehistrado sa PEZA.
Hindi na rin maaring i-renew ng PEZA ang mga nag-expire nang FSIC na nauna na nilang ilabas, pero ang mga hindi pa naman expired ay maari pang magamit hanggang sa nakatakdang expiration date nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.