RAPPLER: NA-REVOKE PERO PALABAN sa “Wag kang Pikon” ni Jake Maderazo

January 21, 2018 - 12:53 PM

Matapos i-revoke ng SEC ang corporate existence ng RAPPLER, uminit ang isyu ng “press freedom”.

Sila raw ay biktima ng panggigipit ng diktador sa malayang pamamahayag. Isang kalayaang dapat ipaglaban. Bukod dito, isang matagal nang cybercrime case ang binuhay ng NBI laban kina Rappler CEO Maria Ressa at isang dating reporter.

Ang pinaka-sentro dito ay ang Philippine depository receipts (PDR) ng Rappler Holdings na $1M sa OMIDYAR Network fund, isang offshore fund ng EBAY founder na si Pierre at asawa nito. Nasilip ng SEC na merong “right to veto” ang OMIDYAR sa mga desisyon ng Rappler at ito’y labag sa Konstitusyon. Ang SEC enbanc ay pinangungunahan ni Chair Teresita Herbosa at 4 “commissioners”. Mga appointees ni PNoy at isa lang ang Duterte appointee. Ang Pnoy appointed na SEC commissioner na si Blas G. Viterbo, pinsan ni Mar Roxas ay hindi sumali sa en banc decision.

Sabi ng Rappler, hindi sumunod sa due process ang SEC en banc at hindi sila binigyan ng pagkakataong sumagot bago nagdesisyon. Tinanggap daw ng SEC ang kanilang mga PDR noong 2015, pero ngayon biglang bawal. Walang ‘control’ o pakialam sa ‘day to day operations’ ng Rappler ang OMIDYAR PDR. At mag-aapela daw sila sa Court of Appeals.

Kabilaan din ang mga reaksyon. May nagsasabing “too severe” o ang ginawa ng SEC sa Rappler. Sabi ni Sen. Drilon, “bad for democracy” daw ito. “Unacceptable legalism”, sabi ni Sen. Kiko Pangilinan. New York times, International Journalists, bumanat din samantalang “outraged” naman ang National Union of Journalists of Philippines (NUJP). Sabi ng Foreign correspondent of the Philippines (FOCAP), may “chilling effect” ito sa media.

Pero, ang National press Club (NPC), kumampi sa SEC at sinabing walang epekto ito sa “press freedom”. Sinabi pa ni NPC Pres. Paul Gutierrez na ang responsableng pamamahayag ay dapat lamang sumusunod sa batas.

Kung susuriin, halos personalang away ito nina Rappler CEO Maria Ressa at dating GMA spokesperson at Manila Times columnist Rigoberto Tiglao.

Ang mga kolum ni Tiglao noon pang nakaraang taon ay nagsasabing “foreign owned” ang Rappler at naging batayan ng reklamo ni Solicitor general Jose Calida sa SEC.

Ayon kay Tiglao, patuloy ang pagkakalat ni Ressa ng “disinformation” na inaatake ni Pres. Duterte ang “press freedom” nang sarhan ng SEC ang Rappler. Sa unang mga buwan ng bagong administrasyon, pinalitaw ni Ressa na masamang lider si Duterte sa “killing spree” nito sa War on drugs at ngayon, demokrasya at media naman ang iniipit. Ayon pa kay Tiglao, lugi raw ang Rappler sa negosyo at naging desperado si Ressa na kumuha ng “foreign investor” kahit labag sa Konstitusyon.

Sa totoo lang, napakasakit mabura bigla ang korporasyon ngayong “revoked” na ang SEC registration. Pero talagang napakahigpit ng batas lalo na sa “news media” na kailangan ay 100% Filipino-owned at “controlled”.

Sa aking palagay,ituloy ng Rappler ang kanilang “fiscalizer” sa Duterte administration. Ilabas nilang lahat ng mga expose’ para mabantayan ng bayan ang mga katiwalian. Pero, maglinis din ng bakuran ang Rappler at ipairal ang interes , hindi ng iba pa, kundi ng tunay na interes ng mga Pilipino.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.