31% ng mga Filipino, nakaahon sa kahirapan – SWS
Isa sa kada tatlong pamilyang Filipino ang nagsabing nakaahon sila sa kahirapan noong 2017.
Ito ang lumalabas sa pinakabagong suvey ng Social Weather Stations ukol sa self-rated survey na isinagawa noong December 8 hanggang 16 noong nakaraang taon.
Batay sa survey na isinagawa sa 1,200 respondents sa buong bansa, 17 percent ang minarkahan ang kanilang mga sarili na “usually non-poor” habang 14 percent naman ang nagsabing sila ay “newly non-poor”.
Sumatutal, 31 porsyento ng mga pamilya ang sinabing nakatawid sila sa pagiging “poor” to “non-poor”.
Batay sa klasipikasyon ng SWS, ang “usually non-poor” ay ang mga naghirap limang taon o higit pa ang nakalilipas habang ang “newly non-poor” ay ang mga naghirap isang taon hanggang apat na taon na ang nakalilipas.
Ang 14 percent na datos para sa “newly non-poor” na mga pamilya ang siya nang pinakamataas na datos para sa naturang klasipikasyon nang maitala ang 13.8 percent noong December 2014 na unang beses na itinanong ito sa survey.
Dalampu’t limang porsyento naman ang hindi nakaranas ng kahirapan batay sa survey.
Gayunman, 44 percent naman ang nagsabing ikinukonsidera nila ang mga sarili bilang mahirap noong December 2017.
Kabilang dito ang 31 porsyento na nagsabing sila ay “always poor” o kailanman ay hindi nakaranas na hindi maging mahirap.
Isa sa kada walo o 12 percent naman ng mga pamilyang Filipino ang nagsabing sadlak sila ngayon sa kahirapan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.