Pambubugbog ng HPG sa isang MMDA constable, ‘isolated case’ lamang
Isolated case lamang ang naging komprontasyon sa pagitan ng isang traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA at dalawang tauhan ng PNP-Highway Patrol Group sa EDSA-Quezon Avenue intersection kamakailan.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, hindi makakaapekto sa relasyon ng MMDA at ng PNP-HPG ang naturang insidente.
Sinabi ni Tolentino na parte ng trabaho ang ‘misunderstanding’ o hindi pagkakaunawaan lalo pa at bago lamang ang ginagawang pagtutulungan ng MMDA at HPG.
Matatandaang kinompronta noong araw ng Martes ng gabi nina Police Sr.Insp. Joel Maranion at SPO2 Norman Interino ang traffic constable na si Leon Trinidad matapos hindi nito isyuhan ng traffic violation ticket ang isang motorista na hinuli ng HPG.
Bagama’t inamin ng dalawang tauhan ng PNP-HPG ang insidente naghain naman ng administrative complaint ang traffic constable laban sa mga ito.
Idinagdag ni Tolentino na matapos silang mag-usap ni PNP-HPG Director, Chief Supt. Arnold Gunnacao ay kaagad nilang ipinag-utos ang pagsasagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon kaugnay ng insidente.
Samantala, nais ni Gunnacao na maimbestigahan si Trinidad dahil sa hindi nito pag-iisyu ng nasabing ticket sa isang traffic violator.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.