Isa ang naitalang patay habang marami ang sugatan sa pagtama ng magnitude 7.1 na lindol sa southern Peru.
Ayon sa U.S. Geological Survey, ang epicenter ng lindol ay naitala sa Pacific Ocean, 40 kilometers mula sa bayan ng Acari bandang 4:18 ng madaling araw ng Linggo.
Sinabi ni Arequipa Governor Yamila Osorio na isang 55-year-old na lalaki ang nasawi sa bayan ng Yauca matapos mabagsakan ng malaking bato.
Binawi naman ng mga otoridad ang naunang pahayag na mayroon pang isang nasawi mula sa bayan ng Bella Union, at aabot sa animnapu’t lima ang nasugatan.
Ayon kay Jorge Chavez, pinuno ng Civil Defense Institute ng Peru, hindi pa nila makumpirma ang biktima mula sa Bella Union kung kaya’t isa pa lamang ang kumpirmadong patay.
Dahil sa lakas ng lindol, maraming kalsada ang nasira kung kaya’t nahihirapan ang pagpapadala ng tulong sa mga pinaka-apektadong lugar.
Sa Twitter, sinabi ng presidente ng Peru na personal siyang magtutungo sa mga apektadong lugar para alamin ang laki ng pinsalang idinulot ng lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.