P170B “ACROSS THE BOARD WAGE INCREASE” NG T.R.A.I.N. sa “Wag kang Pikon” ni Jake Maderazo

January 14, 2018 - 04:06 PM

Isa nang batas ang TRAIN, at ngayon ay ipapatupad na ang excise tax sa oil products na magtataas. Doon naman sa “basic goods”, bahagya o sentimo lamang, gayon din sa serbisyo ng kuryente dahil sa “coal tax”. Ang pasahe ay tataas sa P12 mula sa dating P8 sa jeepney. Tataas din sa mga bus, taxi at UV express.

Pero, ang kakaiba ngayon, lahat ng pamilyang manggagawa ay nakatikim ng “across the board wage increase” mula gobyerno. Bawas na ang “personal income tax” ng P250,000, kaya’t lumaki ang kanilang “take home pay”. Nawala o maliit na lang ang “witholding tax” ng mga empleyado mapa-gobyerno man o pribado. Ang pinakamababang sinoli ay P50,000 sa isang taon o P4,000 isang buwan, isama mo ang libreng tax sa bonus at 13th month, masasabing “kargado” ang wallet ng bawat pamilya ngayon sa mga tataas na presyo ng bilihin. Kailangan lang bantayan at ipakulong ng gobyerno ang mga oportunistang “profiteers”.

Kung tutuusin, ang ibinalik na “witholding taxes” na P170B ay direktang “financial injection” o “tulong” ng gobyerno sa bawat pamilya ng mga nagtatrabaho. Ngayon lang nangyari sa kasaysayan na nagbalik ng malakihang pera ang gobyerno sa working at “middle class”. At ito ay isang malaking ineksyon na rin sa ekonomya na kailangan nang umusad.

Sa panig ng mga employers, ang dagdag na take-home pay ng empleyado ay magpahusay sa work environment. Mas aalagaan ng mga tao ang kanilang mga trabaho. Matutuwa ang mga employers.

Pero, kahit mga kumpanya ay makikinabang din sa pagbabawas ng “corporate tax” na ngayon ay 30%, isa sa pinakamataas sa Asya. Hindi nakakapagtaka na walang pumapasok foreign companies sa atin dahil sa taas ng buwis, bukod pa sa 60-40 ownership ruling Konstitusyon.

Pareho tayo ng India na pinakamataas sa Asya ang “corporate tax” na 30%. Ang China, Japan, Malaysia, Vietnam, at Myanmar ay 25% ang corporate tax. Samantalang ang Indonesia ay may floating corporate tax na 12.5% hanggang 25% at ang South Korea ay floating 11% hanggang 24%. Ang Laos ay 24% ang corporate tax samantalang Thailand at Cambodia ay tig- 20% ang Corporate tax. Pinakamababa ang Singapore na 17% at Hongkong na 5%. Halos walang tax evasion sa mga bansang ito at sana’y dito rin sa atin.

Kung bababa sa 25% ang corporate tax, maraming investor ang papasok dahil sa “strategic location at ang English proficiency at galing ng ating mga empleyado at managers. Ibig sabihin, mas maraming trabaho ang darating mula sa mga bagong foreign investors, lalo’t naamyendahan ang 60-40 rule sa Konstitusyon.

Kapag ibinaba ang “corporate tax” mula 30% sa 25%, ang mga kumpanyang madaragdagan ng 5% income ay makakapag-expand ng operations at siyempre kasama na rito ang pagdagdag sweldo at benepisyo sa kanilang mga empleyado.

Sa kabuuan, ang P170B “across the board wage increase” sa mga empleado, at ang pagbawas ng “corporate tax” ang dalawang matitinding “gatilyo” na magpapagulong sa ating ekonomya. Makabagong transportasyon, maraming benepisyo sa taumbayan sa edukasyon, kalusugan, maraming trabaho at masiglang negosyo. Dati, puro mayayaman lang ang nakikinabang, ngayon pati working at middle class”, di na maiiwan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.