Bp. Dela Peña, nabisita ang Marawi sa unang pagkakataon matapos ang giyera
“It was heartbreaking.”
Ito ang naging reaksyon ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña matapos ang kanyang pagbisita sa unang pagkakataon sa city center ng Marawi kasunod ng ilang buwang kaguluhang idinulot ng Maute terror group.
Ayon sa Obispo, isang emosyonal na araw sa kanya nang matunghayan ang sitwasyon ng lungsod at ng Cathedral matapos ilang beses na subuking mapasok ito.
Kasama ang ilan sa mga opisyal ng Aid to the Church in Need (ACN) at ang Order of Malta Philippines, ay napasok ng Obispo ang “ground zero” ng naging bakbakan sa hanay ng pwersa ng gobyerno at ng mga terorista.
Dahil sa nasaksihan, tinipon niya ang delegasyon at hinimok na palibutan ang altar at sabay-sabay na nanalangin sa paligid nito.
Isa ang St. Mary’s Cathedral sa mga istrukturang pansamba na sinira ng madugong bakbakan.
Umaasa ang Obispo na magtutulong-tulong ang mga mamamayang buoin muli ang Cathedral ngunit sa ngayon anya ay hindi niya prayoridad ang rekonstruksyon nito kundi ang pangangailangan ng mga komunidad.
Sa pamamagitan ng “Duyog Marawi” na isang rehabilitation program na pinamumunuan ni Dela Peña ay palalakasin ang mga na-trauma na residente at ang ‘inter-faith’ relations ng mga ito.
Kabilang sa mga tumutulong sa programa ay mga pari, madre, layko ngunit karamihan ay mga kabataang Muslim mula sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.