1 patay, 2 sugatan makaraang bumangga sa isang closed van sa intersection ng D. Tuazon at Quezon Avenue
Sa punerarya na idiniretso ang isang lalaki na natagpuang nakadapa sa intersection ng D. Tuazon at Quezon Avenue, habang sa East Avenue naman dinala ang dalawa nitong kasama.
Ito ay matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang closed van.
Kwento ng driver ng truck na si Lauro Padilla Jr., naka-go ang traffic light para sa D. Tuazon kaya naman tumawid siya sa intersection.
Ngunit bago pa tuluyang makatawid ay biglang bumangga sa gitnang bahagi ng kanyang minamanehong truck ang motorsiklo.
Aniya, hindi niya napansin ang motor mula sa Quezon Avenue at maaaring naabutan siya nito dahil sa bilis ng pagpapatakbo.
Lulan ng motor ang tatlong kalalakihan na pawang mga walang suot na helmet at naka-inom pa.
Dalawa pa lamang ang nakikilala ng mga otoridad mula sa tatlong biktma mula sa mga nakuhang ID kabilang na sina SPO1 Wilfredo Tan at PO3 Dexter Valencia.
Ngunit dahil pare-parehong basag ang mukha ng mga ito ay hindi pa matukoy kung kaninong biktima ang nakuhang ID.
Nakuha rin ng mga otoridad ang isang magazine ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Sa lakas ng impact ng pagsalpok ng motorsiklo sa truck ay nagkalat ang mga bahagi ng motor at nayupi rin ang isang bahagi ng truck.
Ayon kay PO3 Roy Torre ng Quezon City Traffic Sector 1, posibleng maharap si Padilla sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Multiple Serious Physical Injuries.
Paalala naman ni Torre sa mga motorista, huwag magmaneho ng lasing dahil sanhi lamang ito ng aksidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.