DOE: Presyo ng petrolyo hindi dapat tumaas bago sumapit ang January 16.
Magsasagawa ang Department of Energy ng audit sa stocks ng mga produktong petrolyo ng mga kumpaniya ng langis.
Sinabi ni Energy Usec. Wimpy Fuentabella na ito ay para malaman kung hanggang kailan tatagal ang kanilang stocks bago magpapatupad ng taas-presyo base sa bagong tax reform package ng gobyerno.
Kasabay nito, pinagsusumite ng kagawaran ng stock inventories ang mga oil companies at may ilan na nagsumite na.
Nabatid na magsasagawa din ng random check ang DOE team sa mga refinery, depot at retail level kung tama ang ipinapatong na excise tax.
Nauna nang inatasan naman ng Bureau of Internal Revenue ang oil firms na magsumite ng kanilang records ng importation/production ng kanilang produkto na papatawan na ng excise tax habang ang mga dating stock ay hindi kasama sa mapapatawan ng bagong buwis.
Base sa paunang pagtaya ng DOE, aabutin pa ng hanggang sa January 16 ang stock na petroleum products ng mga oil companies na may mas mababang buwis dahil sa ipinatutupad na 15-day buffer stock.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.