Nakatakdang pag-anunsiyo sa sisibakin opisyal ni Pangulong Duterte, hindi itutuloy ngayong araw
Nagdesisyon ang Malacañang na ipagpaliban muna ang pag-aanunsiyo sa pangalan ng opisyal ng gobyerno na nakatakdang sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inutusan siya na huwag munang isapubliko ang pangalan ng sisibaking opisyal.
Wala naman aniyang problema sa kanya ito, at kung tutuusin mas gugustuhin niya na magkaroon muna ng kasulatan at ipaalam muna sa taong sisibakin sa serbisyo bago i-anunsiyo.
Pero hindi naman binanggit ni Roque kung nagmula ba kay Pangulong Duterte ang nasabing kautusan.
Una nang ipinangako ni Roque na iaanunsiyo ngayong araw ang pangalan ng government official na planong tanggalin sa puwesto ng pangulo dahil sa umano’y iregularidad.
Bago ang nasabing anunsiyo, lumutang ang mga reklamo laban sa ilang opisyal ng administrasyon kabilang na si Maritime Industry Authority (Marina) administrator Marcial Amaro III dahil sa umano’y mga junket trip at sa ilang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office dahil naman sa magarbong Christmas party.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.