Pagkawala ni Ica Policarpio, hindi bahagi ng anumang ‘challenge’ ayon sa pamilya
Ilang araw matapos matagpuan, naglabas na rin ng kanilang pahayag ang pamilya ni Ica Policarpio, ang 17-anyos na dalaga na nawala sa Muntinlupa at muling natagpuan sa San Pablo sa Laguna.
Sa Facebook post na inilabas ng kapatid ni Ica, mariing itinanggi nito na isang ‘prank’ o biro lamang ang pagkawala ng kanyang kapatid.
Giit ni Bea Policarpio, hindi totoong bahagi ng isang ‘challenge’ ang pagkawala ni Ica.
Paliwanag nito, dumaranas ng ‘deep emotional distress’ nitong mga nakalipas na mga buwan ang kanyang kapatid.
Sa kasalukuyan, ikinokonsulta na aniya ng pamilya sa mga doktor ang kalagayan ni Ica.
Inisa-isa rin ng pamilya Policarpio ang pagpapasalamat sa lahat ng mga nagtulung-tulong upang mahanap si Ica simula nang mawala ito noong December 21.
Matatandaang ilang araw matapos mawala si Ica, ilang mga netizens ang nagsabing posibleng bahagi lamang ng ’48 hour challenge’ ang pagkawala nito.
Sa ilalim ng ’48 hour challenge’ na copycat version ng ‘Game of 72’ na sumikat umano sa Europa, ilang kabataan ang ‘biglang maglalaho’ at magmimistulang kinidnap o dinukot.
Ang layunin ng ‘laro’ ay gawing ‘viral’ o ‘trending’ ang paghahanap sa nawawalang bata.
Lulutang lamang ang hinahanap makalipas ang dalawang araw o 48 oras.
Mariin namang binabatikos sa ibang bahagi ng mundo ang naturang ‘social media game’ dahil sa matinding pag-aalalang idinudulot nito sa mga magulang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.