EQUITABLE DISTRIBUTION NG PHILHEALTH FUNDS SA TARLAC ni Arlyn Dela Cruz
ISANG usapin sa Tarlac ang maaaring sumalamin sa kalagayan ng health care service management sa bawat lalawigan sa Pilipinas. Hindi ko sinasabing kinakatawan ng Tarlac ang sitwasyon ng bawat lalawigan dahil meron silang kanya-kanyang lokal na opisyal, at bawat isa sa kanila ay “unique” o natatangi ang pamamaraan o estilo ng pangangasiwa.
Ano ang pinatutungkulan ko?
Ito ay ang sigalot o tunggalian ng posisyon sa kung paano nga ang pamamahagi ng professional fees mula sa PhilHealth para sa mga health professionals o workers.
Mgakatunggali ngayonang ang pamahalaang panlalawigan ng Tarlac sa pamumuno ni Governor Victor Yap at mga consultant and resident doctors ng Tarlac Provincial Hospital.
Ano ang hindi nila pinagkakasunduan? Simplehan natin ang paliwanag.
May bahagi na dati nang tinatanggap ang mga health professional workers na kinabibilangan nga ng mga resident doctors and consultants mula sa pondo ng PhilHealth.
Ang ginawa ni Governor Yap, nagpanukala ng pagbabago sa percentage o bahagdan ng mapupunta sa health workers para sa iba pang gugulin sa pagpapatakbo ng operasyon sa ilalim ng tinatwag niyang “equitable distribution” ng pondo mula sa PhilHealth.
Hulyo pa nang hingan ng magkabilang grupo ng paliwanag ang PhilHealth hinggil sa usapin. Naniniwala sila na ang PhilHealth ang makakatulong sa kanila para maresolba ang sigalot. Tinanong natin si PhilHealth President Alexander Padilla tungkol dito.
Sagot ni Padilla: Una, wala silang papanigan at wala sa kanilang poder ang pumanig dahil may punto ang magkabilang grupo. Ang mahalaga aniya ay mag-usap ang panig ni Governor Yap at ang panig ng mga doktor ng TPH.
Ngunit sino ang tama? Sino ba ang may karapatan na mangasiwa ng pondong pinag-uusapan? May karapatan ba ang gobernador na mag-panukala ng pagbabago sa hatian ng bahagi sa professional fee na magmumula sa PhilHealth?
Medyo hindi kagyat na nakasagot si Padilla sa sunod-sunod na tanong ngunit ganito niya ito ipinaliwanag. Ang sabi ni Padilla, matagal ng devolved ang function at powers ng local government at ang mga front services tulad ng health services at kasama dito ang pangangasiwa sa mga pagamutan.
Maging ang depinisyon ng sinasakop ng health workers aniya ay nasa local government units na rin o LGU.
Ang mahalaga aniya, natiyak nila sa panig ng PhilHealth na nariyan at available sa mga LGU ang pondo. Sa madaling salita, kung poder at karapatan na magpanukala ng pagbabago ayon sa pangangailangan, kundisyon o sitwasyon ng isang ospital o mga ospital na nasa ilalim ng LGU ang pag-uusapan, may poder ang gobernador na bahagi ng mas pinalakas na kapangyarihan ng LGU.
Diin niya na dapat na magkasundo sa gitna ang dalawang panig na hindi na kailangan ng pamamagitan ng PhilHealth o maging ng Department of Health dahil sa ang nakasalalay ay ang kapakanan ng mga mahihirap na siyang dapat na makinabang sa pondo mula sa kanilang ahensiya.
Ang pondong pinagkukunan ng professional fee na pinagtatalunan ay lumago simula noong taong 2013.
Sa kaso ng Tarlac ang pondong pinag-uusapan ay lumago sa hanggang P500 milyon sa taong kasalukuyan kumpara sa P25 milyon noong taong 2002.
Kasabay ng paglaki ng pondo ay paglaki din ng mga tumatangkilik sa serbisyo ng naturang pagamutan dahil sa inaasahang sagutin na mula sa PhilHealth. Ito ang sitwasyon sa Tarlac kung pondong bahagi mula sa PhilHealth ang pag-uusapan.
Sa ibang bahagi ng bansa, ani Padilla, may mga usapin din at tunggalian sa kung paano ang management ng pondo ng PhilHealth pagdating na sa baba, sa kamay ng LGUs. Pero, magkakaiba nga ang sitwasyon.
Sa ngayon, hangga’t hindi nag-uusap at nagkakasundo sa gitna ang dalawang panig, ang kapakanan ng mga mahihirap ang tunay na dapat na isaalang-alang dahil sila ang napag-iiwanan dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.