Pulis Maynila, nanigaw at nang-harras ng Radyo Inquirer reporter
Isang pulis Maynila ang nanigaw at nang-harass sa Radyo Inquirer reporter na nagco-cover sa Manila Police District (MPD).
Kinakapanayam lamang ng reporter na si Ruel Perez si DZMM Anchor Atty. Claire Castro na nakadetine sa MPD Women’s Section nang siya ay sapilitang palabasin ng nagpakilalang ‘Major Arsenio Reparip’.
Ayon kay Perez, iginigiit umano ni Reparip na hindi pa oras ng dalaw kaya hindi siya puwedeng manatili sa loob ng women’s section.
Ipinaliwanag naman ni Perez na siya ay miyembro ng media at kumukuha lamang ng impormasyon hinggil sa pagkakabilanggo ni Castro, mister nito at kanilang sekretarya.
Gayunman, nanindigan si Reparip na palabasin si Perez.
Doon na nagpasya si Perez na kunin ang pangalan ni Reparip na lalong nagbunsod sa pulis para uminit ang ulo at sumigaw. “Hinarass mo ako, kinuha mo ang pangalan ko!” ayon kay Reparip.
Ayon kay Perez, sa pagkakataong iyon, ipinaliwanag niya kay Reparip na hindi maaring mangyari na siya pa bilang isang miyembro ng media ang mangha-harass sa isang pulis,
Mistula namang nahimasmasan ang pulis at humingi ng paumanhin kay Perez.
Nangyari ang nasabing insidente habang si Perez ay gumagawa ng follow up report kaugnay sa pagkakakulong kay Castro.
Ikinulong si Castro, mister at sekretarya nito kagabi dahil sa pagtatanggol nito sa kaniyang kliyente na nakilalang si Jackson Chua Jr. Ayon kay Castro, inaresto si Chua ng mga tauhan ng MPD kahit walang arrest warrant at malinaw na reklamo.
Samantala, sa labas ng MPD Headquarters, namataan din ng mga mamamahayag si Reparip na pinagsisisigawan ang driver ni Chua at pinaaalis sa harapan ng headquarters.
Sinabihan pa ni Reparip ang driver na baka bombahin umano nito ang MPD headquarters.
Mariin namang kinondena ng pamunuan ng Radyo Inquirer ang insidente. Ayon kay Radyo Inquirer News Director Arlyn dela Cruz, mali ang ginawang pagtrato ni Reparip kay Perez na ginagawa lamang naman ang trabaho.
Sinabi ni dela Cruz na ang ginawa ni Reparip ay taliwas sa pagkakakilala ng mga mamamahayag sa MPD na kilala sa tawag na “Manila’s finest”.
“We at DZIQ Radyo Inquirer, strongly condemn the treatment of one Chief Inspector Arsenio Reparip of the Manila Police District to our reporter Ruel Villanueva Perez, who was just doing a follow-up report on the arrest and detention made by the MPD on DZMM’s anchor Atty. Claire Castro. This is not the MPD that I know. Asan na ang Manila’s Finest? Hindi na kayo puwedeng tanungin? Hindi na puwedeng mag-balita?,” ayon kay Dela Cruz.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.