Paninindigan ng gobyerno ang nauna na nitong desisyon na hindi pagsupinde sa opensiba ng militar laban sa New People’s Army sa panahon ng Kapaskuhan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mananatili ang desisyong hindi ideklara ang suspension of military operations o SOMO laban sa NPA.
Iginiit ni Roque na maraming buhay ng sundalo na ang nabuwis matapos magsagawa ng mga pag-atake ang mga rebeldeng komunista kahit na umiiral ang unilateral ceasefire.
Anya, ang pagdedeklara ng SOMO ay hindi pabor sa bansa dahil maglalagay lamang ito sa mga sundalo sa peligro ng pag-atake ng mga kaaway ng estado.
Kadalasang idinideklara ang tigil putukan sa tuwing sasapit ang Christmas at New Year break.
Gayunpaman, sinabi ni Roque na mananatiling nakahanda ang militar sa posibilidad ng pag-atake ng mga rebelde sa anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa December 26.
Nauna nang ipinahayag ni Lieutenant Colonel George Bergonia, Commanding Officer ng 84th Infantry Battalion sa San Jose City, Nueva Ecija na naghahanda na ang kanilang tropa sa posibilidad ng pag-atake.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.