Bong Revilla nais makapiling ang pamilya sa Pasko at Bagong Taon
Naghain ng mosyon ang kampo ni dating senador Bong Revilla sa Sandiganbayan First Division na humihiling na payagan itong maka-uwi sa kanyang pamilya para ipagdiwang ang Pasko at bagong taon.
Nakasaad sa mosyon na isinumite ni Revilla noong December 12 na hinihiling nitong makalabas siya sa kulungan bandang alas-11 ng umaga ng December 24 hanggang alas-8 ng gabi ng December 25, at simula alas-11 ng umaga ng December 31 hanggang alas-8 ng gabi ng January 1.
Hiling ng dating senador na payagan itong makapiling ang kanyang pamilya para sa tradisyunal na Noche Buena sa Pasko at Media Noche para sa bagong taon na ipagdiriwang nila sa kanilang tahanan sa Bacoor, Cavite.
Nakasaad pa sa mosyon na importante para kay Revilla na makasama ang kanyang pamilya lalo na’t maselan ngayon ang kundisyon ng kanyang ama at kailangan aniya nito ng suporta ng kanyang pamilya.
Ayon pa kay Revilla, tatlong taon na niyang hindi nakakasama ang kanyang pamilya sa pagdiriwang ng Pasko at bagong taon.
Samantala, nais ng prosecution team ng Office of the Ombudsman na ibasura ang kahilingan ni Revilla.
Sa opposition paper na inilabas noong December 14, sinabi ng prosecution na dapat lamang tanggihan ang mosyon ni Revilla dahil sa kakulangan ng merito.
Ayon sa prosekusyon, isang pagpapakita ng special treatment kung papayagang makalabas si Revilla mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.
Ayon dito, wala dapat maging pagkakaiba si Revilla at mga ordinaryong detainees.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.