Bangkay ng isa sa mga bihag ng Abu Sayyaf, narekober sa Sulu
Natagpuan na ang bangkay ng isa sa mga Vietnamese national na bihag ng bandidong Abu Sayyaf sa Sitio Kasulutan, Barangay Bub-Bus sa Jolo, Sulu.
Kinilala ang bihag na si Pham Minh Tuan na kapitan ng MV Royal 16 cargo ship.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) police director, Chief Superintendent Graciano Mijares, narekober ang katawan ni Tuan sa pamamagitan ng pinagsama-samang inisyatibo ng Sulu police, Joint Task Force Sulu, at Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Mindanao.
Sinasabing pinatay si Tuan ng mga bandido na pinamumunuan ni Indang Susukan matapos ang makaengkwentro ang 41st Infantry Battalion sa Barangay Upper Binuang sa Talipao noong September 7.
Ani Mijares, posibleng inilibing si Tuan sa Jolo para malito ang mga otoridad.
Dadalhin sa Vietnamese embassy ang mga labi ni Tuan para i-turnover sa Vietnamese authorities.
Kasama si Tuan sa anim na mga crewmembers ng MV Royal 16 na dinukot ng Abu Sayyaf noong November 11, 2016.
Nakatakas mula sa grupo si Hoang Vo noong June 16 ngayon taon, habang pinugutan naman ng ulo ng mga bandido si Hoang Trung Thong at Hoang Van Hai.
Tadtad naman ng bala ang katawan ni Tran Khac Dung at maswerte namang na-rescue noong nakaraang Agosto si Do Truing Huie.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.