97 counts ng graft, isinampa ng Ombudsman laban sa ilang dating opisyal ng DAR at DBM
97 kaso ng graft at malversation ang isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban kina dating Budget Secretary at kasalukuyang Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., at dating Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman at Janet Lim-Napoles.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa diumano’y iligal na paggamit ng nasa 900 milyong pisong pondo mula sa Malampaya project.
Ayon sa reklamo, taong 2009 hanggang 2010 nang kuwestyunableng i-divert ng DAR ang 900 milyong pisong Malampaya fund sa 12 mga NGO at foundation na pinangangasiwaan umano ni Napoles.
Sa mga NGO umano ni Napoles, dumaan ang naturang pera at ginamitan ng mga ghost projects upang ipakitang may pinatunguhan ang mga naturang pondo.
Diumano, si Andaya ang pumirma sa Special Allotment Release Order at Notice of Cash Allocation na hiniling ni Pangandaman kahit hindi pa dumadaan sa pagsusuri ng DBM ang transaksyon.
Bukod sa dalawa, ilan pang mga opisyal ng DAR at DBM at mga kaanak ni Napoles na sangkot sa mga ghost projects ang sinampahan rin ng kaso ng Ombudsman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.