Pilipinas, makikipagtulungan sa US laban sa nuclear programs ng NoKor
Magtutulungan ang Pilipinas at Estados Unidos upang mapatigil ang North Korea sa mga nuclear at ballistic missile programs nito.
Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon kasunod ng bilateral strategic dialogue sa pagitan ng US at ng Pilipinas noong nakaraang linggo.
Pinangunahan nina DFA Undersecretary Enrique Manalo at Department of National Defense Undersecretary Ricardo David at ng kanilang mga counterpart na sina Acting Assistant Secretary of State Susan Thornton at Acting Assistant Secretary of Defense David Helvey ang pagpupulong.
Naging gabay sa bilateral meeting ang naging joint statement na inilabas matapos ang pulong sa pagitan nina Pangulong Duterte at President Trump sa Maynila.
Noong nakaraang linggo ay muling nagpakawala ng intercontinental ballistic missile ang NoKor na bumagsak malapit sa Japan at kinondena ng maraming bansa.
Katulad ng Estados Unidos, direkta ang mga panawagan ng Pilipinas na ihinto na ng North Korea ang mga programa nito na nagpapalala ng sitwasyon sa Korean peninsula.
Ikinatuwa naman ng Washington ang pagsunod ng Pilipinas sa United Nations (UN) Security Council Resolutions kaugnay ng isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.