Mga records ng napatay sa anti-drug ops ng PNP, hinihingi ng SC

By Kabie Aenlle December 06, 2017 - 03:18 AM

(FILE PHOTO BY RAFFY LERMA / INQUIRER)

Tuluyan nang nagtapos ang tatlong araw na oral arguments ng Korte Suprema tungkol sa constitutionality ng Oplan Double Barrel ng Philippine National Police (PNP).

Sa huling sesyon ng kataas-taasang hukuman, inatasan nito ang gobyerno na isumite ang mga records ng libu-libong namatay sa ilalim ng war on drugs.

Para sa 3,806 na nasawi sa ilalim ng mga umano’y lehitimong police operations mula July 1, 2016 hanggang November 30, 2017, hinihingi ng Korte Suprema ang mga sumusunod na impormasyon:

– pangalan, address, at kasarian ng napatay
– lugar, petsa at oras ng isinagawang drug operations
– pangalan ng PNP team leader at mga miyembro nitong namuno at kasama sa operasyon
– pre-operation plan at post-operation report
– impormasyon kung may inilabas bang search o arrest warrants
– pangalan ng mga kinatawan ng media, non-government organizations at opisyal ng barangay na nakasaksi sa operasyon

Ipinunto naman ni Solicitor General Jose Calida na wala pa sa 50 insidente ng pagkakapatay ang sakop ng dalawang petisyong inihain laban sa war on drugs ng pamahalaan.

Gayunman, iginiit ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi naman ang mga insidente sa mga petisyon ang kaniyang tinutukoy kundi lahat.

Inaasahan ni Carpio na mayroong mga records ang gobyerno dahil sinasabi namang pawang mga lehitimong operasyon ang mga ikinasa laban sa mga drug suspects.

Samantala, hinihingi naman ng Supreme Court ang mga sumusunod na detalye para sa mga kaso ng death under investigation:

– pangalan, address, kasarian at edad ng mga napatay
– petsa, oras at lugar ng pagpatay
– pangalan ng mga team leader at members ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nag-imbestiga sa insidente
– investigation reports
– kasong inihain laban sa mga suspek kung mayroon man.

Katwiran ni Carpio, dapat alam ng mga kinatawan ng gobyerno ang detalye sa mga insidenteng ito dahil iniimbestigahan nila ito.

Dahil sa dami ng mga dokumentong kanilang hinihingi, pinayagan ng Korte Suprema ang kahilingan ng Solicitor General na mabigyan sila ng dalawang buwan para maipon ang lahat ng mga ito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.