Pagpapa-aresto kay George San Mateo, hindi harassment – Palasyo
Iginiit ng Palasyo na hindi harassment na maituturing ang pagpapaaresto ng korte sa lider ng transport group na PISTON na si George San Mateo.
Matatandaang ipinaaresto ng korte kahapon si San Mateo kaugnay ng ikinasa nilang transport strike noong Pebrero, na ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFRB) ay labag sa batas.
Sa reklamo kasi na inihain ng LTFRB, nilabag umano nito ang Memorandum Circular 2011-04, kung saan nakasaad ang revised terms para sa pagbibigay ng certificates of public convenience, pati na ang Public Service Act.
Binatikos ng kampo ni San Mateo ang anila’y “harassment” na naranasan ng lider ng grupo sa pagdating niya sa korte para mag-piyansa, dahil sa labas pa lang ay biglang inaresto na siya ng mga pulis.
Pero paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpaalala na noon ang Malacañang sa mga makikiisa sa transport strikes na maari silang maharap sa mga legal na kaparusahan.
Gayunman, sinabi ni Roque na itinuloy pa rin ni San Mateo ang pagpapasaway kay ngayong ipinatutupad na nila ang batas, walang silang ibang dapat sisihin kundi ang kanilang mga sarili.
Una nang inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PISTON at iba pang mga grupo ng aktibista bilang kaanib ng mga komunistang rebelde.
Ngunit nilinaw ni Roque na ang kaso laban kay San Mateo ay walang kinalaman sa pagpapaaresto sa mga legal fronts.
Dahil dito, hinikayat rin ni Roque ang publiko na basahin ang dokumento kaugnay ng kasong kinakaharap ni San Mateo na aniya’y nakatuon sa paglabag sa Public Service law.
Umabot sa mahigit 7,000 na commuters ang naapektuhan sa nasabing strike ilang buwan na ang nakalipas.
Samantala, sa kabila ng pag-dakip sa kaniya ng mga pulis ay nakapaglagak naman ng piyansa si San Mateo sa korte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.