Pag-angat ng lupa sa Candaguit River, pinangangambahan ng PHIVOLCS
Pinangangambahan ngayon ng mga residente sa San Enrique, Negros Occidental ang pag-umbok at pag-angat ng lupa sa isang bahagi ng Candaguit River.
Aabot sa 1.5 metro ang taas ng nakaangat na lupa na dating nakalubog sa ilalim ng ilog. Ito ay nasa 10 hanggang 15 metro ang haba at 3 hanggang 4 na lawak.
Ayon sa PHIVOLCS, posibleng ‘sand boil’ ang naturang umangat na lupa na kadalasang isang epekto ng paglindol.
Ang pinagtataka lamang ng PHIVOLCS ay wala naman silang naitatalang pagyanig sa naturang lugar nitong mga nakaraang linggo.
Ayon sa kagawaran, posibleng mayroong pumping activity sa lugar kaya gumalaw ang lupa.
Dahil dito ay pinatingnan na ni San Enrique Mayor Jilson Tubarilla kung mayroon bang pagbabago sa temperatura ng ilog ngunit hindi naman ito nagbago.
Gayunpaman, magpapadala ng mga tauhan ang PHIVOLCS at Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para siyasatin ang umangat na lupa.
Kasalukuyan na ring nakakurdon ang naturang bahagi ng ilog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.