Ex-Pres. Noynoy Aquino, damay rin sa imbestigasyon sa Dengvaxia-Aguirre
Damay si dating Pangulong Benigno Aquino III sa gagawing imbestigasyon ng Department of Justice at National Bureau of Investigation na tutukoy kung sinu-sino ang dapat managot sa pagbili ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, lahat ng mga posibleng sangkot sa pagbili ng kontrobersyal na P3.5 bilyong pisong anti-dengue vaccine ay iimbestigahan ng NBI.
Ang pagbili ng Dengvaxia vaccine ay bahagi ng proyekto noon ni dating Health Secretary Janet Garin sa ilalim ng administrasyong Aquino at naipagpatuloy sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Paliwanag ni Aguirre, dapat magpaliwanag ang mga kinauukulan kung bakit napakalaki ng ginastos ng pamahalaan sa bakuna na may posibilidad na maglagay pa sa alanganin sa buhay ng mga nabigyan nito.
Nais ring maliwanagan ng DOJ kung bakit agad na ibinigay ang bakuna sa mahigit pitong daang libong kabataan sa kabila ng katotohanang apat na buwan pa lamang sa merkado ang Dengvaxia.
Bukod dito, naglabas rin aniya ng babala o warning ang Sanofi Pasteur sa paggamit ng Dengvaxia ngunit natuloy pa rin ang vaccination program ng dating pamunuan ng DOH.
Nalalagay sa kontrobersiya ngayon ang Dengvaxia matapos ihayag ng manufacturer nito na may posibilidad na makaranas ng mas malalang uri ng dengue ang isang nabakunahan kung hindi pa ito nagkakaroon ng dengue noon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.