Dapat ‘move-on’ na ang lahat sa isyu ng Martial Law-Sen. Marcos
Umapela si Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa lahat na huwag nang pag-usapan ang mga problemang kinasangkutan ng kanyang pamilya noon panahon ng Martial Law dahil naresolba na aniya ang mga ito.
Reaksiyon ito ni Marcos sa harap ng paggunita sa 43rd anniversary ng deklarasyon ng Martial Law.
Giit ni Marcos, mas mainam kung magmo-move-on na ang lahat dahil ang mga umano’y isyu o kaso laban sa kanyang pamilya ay naayos na ilang dekada na ang nakalilipas.
Paliwanag pa ni Marcos, sa halip na paulit-ulit na binabanggit ang mga kasalanan ng kanyang pamilya, lalo na ng amang si Dating Pangulong Ferdinand Marcos, mas marapat aniya na ang mga kasalukuyang suliranin at kung ano ang mga solusyon ang pag-usapan.
Kabilang na aniya rito ang problema sa trapiko, singil sa tubig at kuryente, foreign investment at kagutuman sa bansa, na mas dapat atupagin ng gobyerno at kahit siya mismo bilang isang halal na opisyal.
Pagdating naman sa paglaban sa katiwalian, sinabi ni Marcos na maraming mga batas para rito.
Gayunman, binigyang-diin ni Marcos na kailangang sundin na masinsinan ang mga batas at huwag ipolitika ang anti-corruption drive o huwag lamang daw mga kalaban ang habulin.
Si Marcos ay nauna nang umanin na posibleng kumandidato para sa mas mataas na posisyon sa 2016 Elections.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.