Miyembro ng NPA, inatake ang police station sa Misamis Oriental
Inatake ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang Binuangan Municipal Police Station sa Misamis Oriental bandang alas-3:15 ng madaling araw kanina.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Region 10 Spokesperson Superintendent Lemuel Gonda, hanggang lagpas alas sais ng umaga ay nagpapalitan pa rin ng putok ang kapulisan at mga miyembro ng NPA.
Ani Gonda, apat na mga pulis ang sugatan dahil sa mga shrapnel mula sa rifle grenade na ginamit ng mga NPA, habang hindi niya batid kung mayroon bang nasaktan sa panig naman ng NPA.
Kinilala ang mga sugatan na sina SPO1 Ramonito Zambas, PO3 Alberto Bernadas, PO1 Joshua Satur, at PSI Dante Hallazgo.
Dagdag pa ni Gonda, papunta na sa lugar ang mga karagdagang pulis at militar para magsagawa ng pursuit operation para mahuli ang mga miyembro ng NPA na umatake sa himpilan ng mga pulis. Ngunit anito, nag-iingat ang reinforcement team sa posibilidad na tambangan sila ng NPA na madalas nagtatanim ng landmine panlaban sa pwersa ng pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.