1 pulis patay, 5 sugatan sa NPA ambush sa Bicol
Isa ang patay at lima ang sugatan sa ginawang pananambang ng New People’s Army sa dalawang PNP mobile vehicles sa Sitio Binuang Brgy. Daguit, Labo, Camarines Norte.
Pansamantala munang hindi inihayag ng mga otoridad sa publiko ang pangalan ng mga biktimang pulis.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, pasado ala-una ng madaling-araw kanina ng maganap ang pananambang sa mga operatiba ng Camarines Norte Police Provincial Office.
Sinasabing umaabot sa 50 mga rebelde ang sangkot sa pananambang.
Nasa maayos na posisyon umano ang mga rebelde kaya nahirapan ang mga pulis na gumanti ng putok.
Mabilis na rumesponde sa kinaganapan ng ambush si Camarines Norte Provincial Director SSupt. Cerillo Trilles at kaagad na ipinag-utos ang pagtugis sa mga rebelde.
Isang team rin ang binuo ng Armed Forces of the Philippines para tumulong sa paghabol sa mga rebelde.
Nauna nang sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa sa kanyang mga tauhan na maging alerto dahil sa inaasahang pag-atake ng mga rebelde.
Pati ang pangulo ay nagbigay na rin ng nasabing babala makaraan niyang iutos na itigil na ang anumang pakikipag-usap sa komunistang grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.