MRT Corp., handang mag-abono ng $150-M para sa pagsasaayos ng MRT-3
Nakapag-usap na ang Metro Rail Transit Corporation (MRTC) at ang dating maintenance provider nito na Sumitomo kaugnay ng binabalak nilang rehabilitasyon ng MRT-3.
Matatandaang nitong mga nagdaang buwan ay araw-araw nang nagkakaroon ng aberya ang MRT-3, dahilan para dumanas ng kalbaryo ang mga pasahero nito.
Ayon kay MRTC president Frederick Parayno, handa sila na maglabas ng $150 milyon para sa rehabilitasyon ng MRT-3.
Napag-usapan na aniya nila ng Sumitomo ang isang action plan na naglalayong maisaayos ang MRT-3.
Ayon pa kay Parayno, pormal at magkahiwalay na rin nila itong naipanukala kay Transportation Sec. Arthur Tugade at maging kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Taliwas naman sa una nang nabanggit ni Transport Assistant Sec. for Commuter Affairs Elvira Medina, sinabi ni Parayno na handa ang Sumitomo na maging maintenance provider ulit ng MRT-3 kung kukuhanin sila muli ng MRTC.
Pagtitiyak pa ni Parayno, maari nilang i-rehire ang Sumitomo at ayusin ang MRT-3 nang hindi kailangang isara o ihinto ang operasyon.
Kasama sa plano ng MRTC ang pagsasagawa ng full inspection sa MRT-3 na tatakbo sa loob ng 30 araw at gagawin ng 100 na inhinyero.
Maliban dito, balak din nilang bumili ng $50 milyong halaga ng spare parts, palitan ang mga sirang riles at isailalim sa overhaul ang 73 bagon ng MRT.
Makakayanan aniya ito ng Sumitomo sa loob ng 26 buwan mula sa magiging umpisa ng kanilang rehabilitasyon, nang hindi naaabala ang operasyon.
Giit ni Parayno, walang ibang dahilan ang pagkasira ng MRT-3 kundi ang “incompetence” ng mga sumunod na maintenance providers nito.
Ang Sumitomo kasi ang maintenance contractor na nag-disenyo, bumuo at nag-maintain ng MRT hanggang 2012 kung kailan nag-simulang nagka-aberya ang sistema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.