Magkakasunod na aksidente sa EDSA, maagang nagdulot ng traffic
Nagdulot ng maagang perwisyo sa daloy ng traffic sa kahabaan ng EDSA ang sunud-sunod na aksidente na naganap sa southbound lane.
Unang naganap ang karambola ng apat na sasakyan sa EDSA southbound malapit sa paakyat ng Santolan flyover.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naganap ang aksidente alas 4:47 ng umaga sangkot ang tatlong motorsiklo at isang closed van.
Dalawang linya sa EDSA southbound ang naokupahan ng aksidente at alas 5:12 na ng umaga nang maialis sa lugar ang mga sasakyan dahilan para maperwisyo na ang biyahe ng mga motorista.
Samantala, sinundan pa ito ng isa pang aksidente sangkot ang isang truck sa bahagi ng EDSA-Main Avenue sa southbound din.
Tumagilid ang truck matapos nitong iwasan ang isang motorsiklo na sumemplang sa kaniyang harapan.
Bagaman naitayo agad ang truck at naitabi, nagdulot ito ng oil spill sa kalsada.
Nilagyan naman ng kusot ang tumagas na langis at saka mano-manong winalis ng mga metro aide ng MMDA.
Madulas ang kalsada dahil sa mga pag-ulan na naranasan mula hanggang madaling araw ng Biyernes.
Dahil sa sunud-sunod na aksidente, nagdulot na ito ng build up ng traffic sa EDSA southbound, kaya payo ng MMDA, sa mga motorista, humanap na lamang ng alternatibong ruta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.