Pagbalik ng war on drugs sa PNP, welcome sa PDEA
Good news para sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik na sa frontline ng war on drugs ang Philippine National Police (PNP).
Sa text message ni PDEA Director General Aaron Aquino, iginagalang at susundin nila ang naging desisyon ng pangulo.
Dagdag pa ni Aquino, hiling din talaga nila na maibalik ang pangunguna ng PNP sa drug war ng pamahalaan dahil na rin sa kakulangan ng pondo, kagamitan at tauhan.
“I’ve said this during my past interviews because we are undermanned, underbudgeted, and underequipped,” ani Aquino.
Naniniwala rin si Aquino na mas magiging madali ang pagsugpo sa problema sa iligal na droga kung ang lahat ay magtutulungan.
Sa kabila naman ng kanilang mga kakulangan, ibinida ni Aquino na nakapagsagawa sila ng 1,343 na anti-drugs operations at nakasabat ng P53 milyong halaga ng iligal na droga sa loob ng isang buwan.
Hindi aniya sapat ang isang buwan para tuluyang masawata ang iligal na droga sa bansa at wala rin namang ahensya ang may kayang gawin ito ngunit ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya.
Kahapon inanunsyo ni Pangulong Duterte na ibinabalik na niya sa kapangyarihan ng pulisya ang pangunguna sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.