Duterte sa kanyang ‘style’ ng pananamit: “Gusot-masa”
“I dress to be comfortable.”
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos makatanggap ng mga negatibong komento dahil sa pagtupi niya ng manggas ng kanyang barong sa nakaraang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa bansa.
Pinagpiyestahan ng mga netizen sa social media ang mga litrato sa ASEAN Summit kung saan makikitang gusot ang suot na barong ng pangulo at nakatupi pa hanggang siko ang mga manggas nito.
Ayon kay Duterte, hindi siya nagdadamit para pasiyahin ang sinuman.
Aniya, nagdadamit siya para maging kumportable.
Dagdag pa ng pangulo, bihira siyang magsuot ng Americana at hindi ito damit para sa mga Pilipino dahil masyado itong mainit para sa klima sa bansa.
Inilarawan pa ni Duterte ang kanyang pananamit bilang ‘gusot-masa.’
Inamin pa ng pangulo na sa Tutuban Center sa Divisoria, Maynila niya binili ang ginamit niyang barong para sa ASEAN.
Dumalo aniya siya sa mga pagpupulong sa ASEAN hindi para mapasaya ang kahit na sinong banyagang delegado, maging prime minister o presidente man. Ayon sa pangulo, dumalo siya para sa kanyang sarili.
Paliwanag pa ni Duterte, nakatupi ang mga manggas ng kanyang barong para mas madali siyang makagalaw, kaya ng istilo ng pananamit ni dating pangulong Fidel Ramos.
Biro pa ng pangulo, kapag namatay siya ay doon na siya gagamit ng Americana dahil sa madalas niyang pagbisita sa mga punerarya, napapansin niya na kapareho ng kanyang barong ang suot ng mga patay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.