2 bangkay, narekober ng PCG sa Camarines Norte; 1 pa patuloy na hinahanap
Narekober ng Coast Guard Station (CGS) Camarines Norte ang katawan ng dalawa sa tatlong batang nalunod sa Pandawan Fishport, Mercedes Camarines Norte noong Miyerkules, November 15.
Sa anunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG), Huwebes ng umaga nang marekober sa isinagawang Search and Retrieval Operations (SRO) ang isang bangkay, habang tanghali naman narekober ang isa pang bangkay.
Sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Mercedes naganap ang aksidente nang mabitawan ang mga bata ng ama ng mga ito na kinilalang si Jerry Sierra, 45 anyos, habang tumatawid sa naturang bahagi ng dagat.
Nabatid na nakaiinom ang ama at tinangkang tumawid sa mababaw na bahagi ng dagat pauwi sa kanilang tahanan kasama ang kanyang tatlong anak.
Inabot umano ng pagtaas ng tubig ang mga ito at nabitawan ang mga bata na pinaniniwalaang napadpad sa malalim na bahagi ng dagat dala ng malakas na alon.
May edad siyam, lima at apat ang mga batang nalunod habang dinala naman sa Camarines Norte Provincial Hospital ang ama ng biktima.
Samantala, patuloy pa rin na hinahanap ng mga otoridad ang isa pang bangkay ng bata na nawawala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.